Inanunsyo ni U.S. President Donald Trump na muling nagsagawa ang militar nito ng isang airstrike sa isang hinihinalang bangka na pag-aari umano ng Venezuelan drug cartel na patungo sa Estados Unidos.
Ayon kay Trump, tatlong tao ang nasawi sa operasyon na nangyari sa labas ng teritoryo ng Amerika.
Dagdag pa ni Trump na nakita raw sa dagat ang mga malalaking bag na naglalaman ng hinihinalang cocaine at fentanyl o shabu.
Ang video ng pagsabog ng bangka na ibinahagi ni Trump ay kasalukuyang sinusuri pa para tiyakin ang pagiging totoo nito.
Kaugnay nito, noong Setyembre 2 isang katulad na operasyon ang isinagawa laban sa isa pang bangka na pinaghihinalaang konektado rin sa Tren De Aragua, isang kilalang Venezuelan gang. Labing isa ang nasawi sa unang pambobomba ng U.S.
Dagdag nito nagpakalat narin ang Estados Unidos ng military nito sa U.S. Caribbean kabilang ang paglalagay ng F-35 fighter jets, pitong warships, at isang nuclear-powered submarine.
Samantala, tinawag naman ni Venezuelan President Nicolás Maduro ang agresyon na ginagawa ng Amerika.
Pinuna rin ng ilang eksperto ang legalidad ng mga airstrike lalo na’t wala umanong pahintulot mula sa U.S. Congress ang ganitong mga operasyon.