Ipinahayag ng National Unity Party (NUP) ang intensiyon nitong magsampa ng Verified Ethics Complaint sa harap ng House Committee on Ethics and Privileges laban sa dati nitong miyembro, na si Rep. Francisco “Kiko” Barzaga, dahil sa mga kilos na umano’y sumisira sa dangal ng House of Representatives at sumisira sa tiwala ng publiko sa mga demokratikong institusyon.
Tinukoy sa reklamo ang apat na mabibigat na batayan ng aksyon:
1. Paglabag sa House Code of Conduct
2. Paglabag sa Republic Act No. 6713 – Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees
3. Hindi etikal na asal na posibleng lumabag sa Article 142 ng Revised Penal Code (Inciting to Sedition)
4. Kilos na nakakasama sa interes ng serbisyo publiko
Ayon sa NUP kapag ang isang Miyembro ng Kamara ay sinasadyang gumagamit ng mapanulsol na pananalita na may nilalamang nag-uudyok ng karahasan, siya ay nagkakanulo sa integridad ng institusyong matagal nang pinangangalagaan ng Kapulungang ito. Hindi ito simpleng teknikal na paglabag—ito ay sinadyang paglapastangan sa mga pamantayan na matagal nang nagtatangi sa Kamara bilang isang institusyong karapat-dapat igalang ng publiko.
Ayon kay Deputy Speaker Ronaldo Puno, ang House of Representatives ay kailangang panatilihin ang mga pamantayan na nagtatangi rito bilang isang institusyong karapat-dapat igalang.
Binigyang-diin ng NUP na ang Committee on Ethics and Privileges ay nilikha upang tugunan ang mga ganitong kaso, at ipinahayag ang kanilang kumpiyansa na ang proseso ay magtataguyod sa dignidad ng Kongreso at mga pamantayang inaasahan ng mamamayang Pilipino sa kanilang mga halal na kinatawan.
Ang NUP ay binubuo ng 43 miyembro sa House of Representatives, na ginagawa itong ikalawang pinakamalaking partidong politikal sa Kamara.











