Inilabas na ng Palasyo ng Malacañang ang Executive Order 94 hinggil sa pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure o ICI.
Ang Executive Order number 94 ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ngayong araw September 11,2025.
Binuo ang Independent Commission para imbestigahan ang mga iregularidad at korapsyon sa mga flood control at iba pang infrastructure projects ng pamahalaan sa loob ng nakalipas na sampung taon.
Ang fact-finding commission ay binubuo ng tatlong miyembro, isang chairperson at dalawang myembro na may matibay na reputasyon pagdating sa integridad at pagiging patas.
May kapangyarihan ang ICI na magsagawa ng imbestigasyon, maglabas ng subpoena, mangalap ng ebidensya, at irekomenda ang pagsasampa ng kaso laban sa mga sangkot sa anomalya, opisyal man ng gobyerno o pribadong indibidwal.
Prayoridad ng komisyon ang mga proyekto ng flood control, lalo at maraming ulat ng misuse of funds at irregularities sa implementasyon nito.
Target ng komisyon na matukoy at kung sinu-sino ang dapat panagutin, at kung paano maiiwasan ang pag-abuso sa pondo ng bayan.
May kapangyarihan ang ICI na irekumenda na i-freeze ang mga ari-arian, i-hold ang byahe ng mga iniimbestigahan, o agad silang suspendihin para hindi makapanghimasok sa ebidensya.
Maaaring iakyat ng komisyon ang mga natuklasan sa Office of the President, Department of Justice, Office of the Ombudsman, at iba pang ahensya para sa karampatang aksyon.
Sa nasabing Executive Order, inatasan din ang mga ahensya ng pamahalaan na makipagtulungan dito, habang ang mga hindi makikiisa ay maaaring masampahan ng disciplinary action.