-- ADVERTISEMENT --

Posibleng papalo sa P1.089 trillion ang nawaldas na pera mula sa korapsiyon sa climate projects simula taong 2023, ayon sa isang environmental group na Greenpeace Philippines.

Kabilang na dito ang P560 billion na nalustay ngayong taon lamang, base sa pagtayang nabunyag sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng Senado sa maanomaliyang mga flood control project sa bansa.

Base sa data mula sa National Integrated Climate Change Database and Information Exchange System, isiniwalat ng grupo na ngayong 2025 mula sa kabuuang P800 bilyong climate-tagged projects na pinangasiwaan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), tinatayang nasa P560 billion ang posibleng nawaldas sa korapsiyon.

Kung saan sa flood control projects pa lamang, umaabot na sa P248 billion bagamat base sa pagtaya ng environmental group, nasa P173 billion ng nasabing halaga ang maaaring nalustay bunsod ng katiwalian.

Kaugnay nito, sinabi ni Greenpeace campaigner Jefferson Chua na hindi ito katanggap-tangga. Hindi lamng aniya ninanakaw nito ang kaban ng bayan kundi pinapalumpo nito ang kakayahan ng milyun-milyong Pilipino na maka-survive sa harap ng tumitinding krisis sa klima. Inihalintulad niya din ang mga magnanakaw ng climate funds sa climate criminals.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito, ibinabala ng grupo na ang korapsiyon sa flood control program ng gobyerno ay katumbas ng “obscene plunder” ng kaban ng bayan na nakalaan para tulungan ang mga Pilipinong makaalpas sa lumalalang climate disasters.