-- ADVERTISEMENT --

Isang kumpanya sa Japan ang naglunsad ng teknolohiya na kayang ipalutang ang buong bahay kapag tumama ang lindol.

Matatandaang ang Japan ay bahagi ng Pacific Ring of Fire — isang rehiyon sa paligid ng Pacific Ocean na aktibo sa mga lindol at pagsabog ng mga bulkan. Napapalibutan ang bansa ng apat na tectonic plates: ang Pacific Plate, Philippine Sea Plate, Eurasian Plate, at North American Plate.

Dahil dito, nagsusumikap ang Japan na makalikha ng makabagong teknolohiya para harapin ang mga epekto ng lindol.

Pinangunahan ng imbentor na si Shoichi Sakamoto ang nasabing proyekto, kung saan nabuo niya ang isang kakaibang seismic isolation system na kayang iangat ang buong bahay tuwing may lindol.

Kapag may naramdamang pag-uga, agad na naglalabas ng compressed air mula sa ilalim ng bahay ang sistema, na siyang tumutulak pataas sa buong estruktura ng hanggang 3 sentimetro — sapat na upang maiwasan ang matinding pagyanig.

-- ADVERTISEMENT --

Gayunpaman, may paalala ang mga eksperto na posibleng masubok ang limitasyon ng imbensyon sa mas malalakas at multi-directional na lindol.

Sa ngayon, isinusulong ang crowdfunding upang maipalaganap ang floating house system hindi lamang sa Japan kundi pati na rin sa iba’t ibang bahagi ng mundo.