Walang pagbabagong magaganap sa liderato ng Kamara at nananatili ang suporta kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez ng iba’t ibang partido politikal.
Ito ang tiniyak ni House Deputy Speaker at La Union Rep. Paolo Ortega V.
Sinabi ni Ortega, nagkakaisa at buo ang House of Representatives.
Sinabi ni Ortega na nagkaroon ng pulong ang mga house leaders kasama si Speaker Martin Romualdez , Majority Floor Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander A. Marcos at mga ibang Deputy Speakers.
Dumalo sa naturang pagtitipon ang mga lider ng Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD), Partido Federal ng Pilipinas (PFP), National Unity Party (NUP), Nationalist People’s Coalition (NPC), Nacionalista Party (NP), at Party-List Foundation Inc. (PCFI).
Nang tanungin si Ortega kung ito ba ay maituturing na panibagong pahayag ng suporta para sa Speaker, binigyang-diin ni Ortega na sapat na ang mga kilos at larawan upang ipakita ang pagkakaisa sa Kamara.
Itinanggi ng Deputy Speaker ang mga espekulasyon ng hidwaan sa loob at muling iginiit nang malinaw na walang nagbabago sa pamunuan.
Sa mga nakaraang linggo, kumalat ang mga tsismis hinggil sa umano’y mga hakbang para palitan ang liderato ng Kamara. Gayunpaman, ipinunto ni Ortega na walang basehan ang mga usaping ito.
Nang tanungin kung may konkretong tangkang patalsikin ang Speaker, sinabi ni Ortega na bagama’t talamak ang mga usap-usapan, wala namang ebidensyang nagpapatunay na may tunay na hamon.
Isa pang isyung lumutang ay ang umano’y signature-gathering campaign para sa isang bagong Speaker, ngunit muling isinantabi ito ni Ortega bilang walang basehang usapan.
Ayon pa sa House leader batay sa nakuha niyang impormasyon na may tuwatawag sa mga Kongresista.
Nang pinilit siyang magbigay ng detalye, nilinaw ni Ortega na second-hand lamang ang mga tawag na nabanggit at walang malinaw na pinagmulan