Nagbitiw sa puwesto si Prime Minister Khadga Prasad Oli matapos ang malawakang kilos-protesta na sumiklab bunsod ng pagbabawal sa paggamit ng mga social media platforms at nagpapatuloy na isyu ng korapsyon sa pamahalaan.
Ang kanyang pagbibitiw ay kasunod ng madugong insidente kung saan 19 katao ang nasawi matapos paulanan ng bala ng mga pulis ang mga nagpoprotesta sa Kathmandu.
Isa rin sa mga naging target ng galit ng mga raliyista ang tahanan ni President Ram Chandra Poudel na kanilang sinunog. Nasunog din ang ilang ari-arian nina Sher Bahadur Deuba, pinuno ng pinakamalaking partido sa Nepali Congress; Home Minister Ramesh Lekhak; at Pushpa Kamal Dahal, lider ng Communist Party of Nepal.
Itinuturing ng mga mamamayan ng Nepal na isang pagyurak sa kalayaan sa pamamahayag ang pagbabawal sa paggamit ng social media platforms.
Sa kasalukuyan, nananatiling tensyonado ang sitwasyon sa bansa habang hinihintay ang posibleng transisyon sa pamumuno at ang tugon ng gobyerno sa malawakang panawagan para sa reporma.