lKinuwestyon ng ilang mambabatas ang hindi pagbubunyag ng government contractors na mag-asawang Discaya sa mga dawit sa umano’y kickback sa flood control projects mula 2016 hanggang 2022.
Sa kaniyang X account, sinabi ni Senator Kiko Pangilinan na nagsimula ang mag-asawang Discaya noong 2016 sa flood control projects subalit ang pinangalanan lang nila sa kanilang sworn statement ay mula taong 2022.
Saad pa ng Senador na hindi maaaring manipulahin o i-photoshop ang mga sinumpaang salaysay.
Iginiit din ni Sen. Pangilinan na hindi maaari ang cover-up, sa halip dapat na ilahad ang buong katotohanan. Hindi rin aniya puwedeng ilagay sa Witness Protection Program kung may itinatago.
Binigyang diin niya na “ang pagsisinungaling ay kapatid ng magnanakaw”.
Ayon naman kay dating House Deputy Speaker Erin Tañada, kahina-hinala kung bakit mula 2022 lang nagsimulang lumabas ang mga pangalan ng mga mambabatas na sangkot, samantalang inamin ng mga testigo na kabilang na sila sa flood control projects simula pa 2016.
Samantala, iginiit ni Mamamayang Liberal Party List Rep. Leila De Lima na karapatan ng sambayanang Pilipino ang makaalam ng buong katotohanan at hindi paunti-unti lamang.
Kaya magsusumite aniya sila ng panukalang batas para sa pagbuo ng isang Independent Commission at iginiit na walang dapat pagtakpan at dapat panagutin ang lahat.
Ginawa ng nasabing mga mambabatas ang pahayag matapos pangalanan ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa inquiry ng Senate Blue Ribbon Committee ang nasa 17 na dati at kasalukuyang mga kongresista na umano’y tumanggap ng kickback at nasa (DPWH) walong opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH).