-- ADVERTISEMENT --

Magiging pokus ng susunod na pagdinig ng tatlong panel na House Infrastructure Committee (InfraComm) sa Martes, Setyembre 9 kaugnay sa umano’y anomaliya sa flood control projects ang mga kompaniyang konektado sa Discaya na nagbulsa ng bilyun-bilyong piso na kontrata sa gobyerno.

Ayon kay panel co-chairperson at Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon, tututukan nila ang mga proyekto na nakuha ng Discaya, ang mga corporate structure at ang paraan kung paano sila sumali sa biddings.

Nauna na ngang nag-isyu ng subpoena ang komite sa Discaya at iba pang contractors para dumalo ang mga ito sa susunod na pagdinig sa Martes.

Sinabi ng mambabatas na ang mga kontraktor na mabibigong sumunod sa subpoena ay gagamitin para ipa-contempt sila kung saan maaari silang ipaaresto at dalhin at iharap sa komite.

Samantala, inaasahang tatalakayin din ng komite ang insertion o isiningit na P96 million flood control project sa Plaridel, Bulacan na kinontrata ng Wawao Builders subalit kalaunan ay napagalamang ghost project pala.

-- ADVERTISEMENT --

Pahiwatig ng mambabatas na posibleng isiningit ng miyembro ng Kamara o Senador ang proyekto sa kasagsagan ng bicameral conference committee para sa 2024 national budget.

Bunsod nito, posible din aniyang ipatawag sa pagdinig ng komite ang mga miyembro ng bicam na nagratipika ng 2024 General Appropriations Act (GAA) sa mga susunod na linggo.