-- ADVERTISEMENT --

Bumagsak na sa kalahati ang online gambling transactions matapos ipag-utos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na alisin ang mga link ng gambling sites sa mga e-wallet.

Ito ay ilang araw matapos dikdikin ni Senator Alan Peter Cayetano ang mga opisyal ng BSP sa Senado dahil sa mabagal na aksyon nito.

Sa Blue Ribbon Committee hearing noong August 14, binanatan ni Cayetano ang BSP sa umano’y “lack of political will” nito. Diin niya, bakit sa mismong araw lang ng hearing ito naglabas ng order gayong Hulyo pa lang ay nakonsulta na ang e-wallet operators.

Pinuna rin ni Cayetano ang pagbibigay ng 48-hour grace period sa e-wallets dahil bilang regulator ay dapat agaran aniya ang kilos ng BSP.

“We’re giving them 48 hours na hindi naman nila kailangan? DICT just said it can be done in an instant. Wala ba kayong ITs sa Central Bank or nasasayangan kayo sa two days?” tanong ng senador kay BSP Deputy Governor Mamerto Tangonan.

-- ADVERTISEMENT --

“Kung may mamatay [within] 48 hours kasi nalulong doon, OK lang sa atin or kasi sayang kita?” dagdag pa ni Cayetano.

Mismong araw ding iyon inilabas ang BSP Memorandum No. 2025-29 si Tangonan na nag-uutos sa e-wallet platforms, bangko, payment apps, at iba pang financial institutions na alisin ang mga feature na nagpo-promote ng e-gambling sites.

Ayon sa Pagcor, bumagsak ng 50% ang online gambling activity matapos ipatupad ang memo.

Pero bago pa ang pagdinig sa Senado, nauna nang binigyang-diin ni Cayetano na mawawalan din ng saysay ang anumang regulasyon ng gobyerno laban sa online gambling kung laganap pa rin ang mga advertisements nito.