Muling pinahanga ng batang Pinay triathlete na si Kira Ellis ang mundo ng sports matapos niyang dominahin ang Junior Women’s category ng 2025 Europe Triathlon Cup sa Riga, Latvia nitong weekend.
Sa kabila ng pagiging kaisa-isang Pilipina at Asyana sa kompetisyon, ipinamalas ni Ellis, 18, ang kanyang husay matapos magtala ng kabuuang oras na 1:05:07 sa 750-meter swim, 22-kilometer bike, at 5.1-kilometer run, sapat upang talunin ang 15 iba pang international contenders.
Naitala si Ellis ng 12:09 sa swim, 34:27 sa bike, at 17:36 sa run, na nagpatibay ng kanyang panalo sa isa sa pinakamalaking triathlon meet sa Europa para sa junior level.
Lalong kahanga-hanga ang tagumpay na ito lalo’t kagagaling lamang niya sa anim na buwang pahinga dahil sa shin splints o medial tibial stress syndrome.
Dagdag ang panalo sa kanyang koleksyon ng mga titulo gaya ng 2024 Asia Triathlon Junior Cup gold medal sa Malaysia at SEA Games gold medal noong 2023 sa Cambodia bilang bahagi ng mixed team relay.
Kasalukuyang freshman si Ellis sa Queens University of Charlotte sa Amerika, at inaasahang magiging pangunahing pambato ng Pilipinas sa darating na 2025 SEA Games sa Thailand ngayong Disyembre.
Samantala, pumangalawa si Germany’s Walter Sarah sa oras na 1:05:22, habang pumangatlo naman si Belgium’s Luca Vanderbruggen na nagtala ng 1:05:17.