Muling umapela ang Pilipinas sa Chinese authorities na pairalin ang pagtitimpi at itigil ang pagsasagawa ng agresibo at mapanganib na maniobra laban sa mga barko ng Pilipinas na nasa routine operations sa sariling maritime zones nito.
Ito ang naging tugon ng National Maritime Council (NMC) kasunod ng collision o banggaan ng mga barko ng China habang hinahabol at tinatangkang harangin ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na BRP Suluan malapit sa Scarborough Shoal noong Lunes, Agosto 11.
Sinabi din ng konseho na nagpahayag ng seryosong pagkabahala ang PH sa agresibo at mapanganib na maniobra ng Chinese Navy warship at China Coast Guard vessels na iligal na nanghihimasok sa routine humanitarian mission ng mga mangingisdang Pilipino sa loob at palibot ng territorial sea ng Scarborough Shoal.
Iginiit ng konseho na ipagpapatuloy ng Pilipinas ang paggiit ng soberaniya nito, sovereign rights at hurisdiksiyon sa West Philippine Sea kabilang ang territorial sea sa may Scarborough Shoal gayundin ang pagprotekta at pagsuporta sa mga mangingisdang Pilipino para ipaglaban ang kanilang karapatang mangisda sa WPS alinsunod sa international law.
a