-- ADVERTISEMENT --

Tinanggap ng negosyanteng si Atong Ang ang pormal na paghahain ng mga kaso laban sa kaniya kaugnay sa umano’y pagkakadawit niya sa kaso ng missing sabungeros.

Ito ay kasunod ng paghahain ng mga pamilya ng missing sabungeros ng multiple counts of murder at serious illegal detention charges laban kay Ang at kaniyang mga kasamahan noong Sabado, Agosto 1.

Sa isang statement na inilabas sa pamamagitan ng kaniyang abogado na si Atty. Gabriel Villareal, sinabi ni Ang na nakahanda siyang tugunan ang mga alegasyong ibinabato laban sa kaniya sa angkop na legal forum.

Nanindigan din si Ang na inosente siya at nagbabala laban sa testimoniya ng self-proclaimed whistleblower na si Julie Patidongan alyas Totoy na kaniyang inilarawan na may depekto, pansariling interes at walang katibayan.

Aniya, nagawa umano ni Patidongan na mag-level up mula sa pagiging bahagi ng robbery syndicate patungo sa pagpapatakbo ng kanyang sariling criminal network gaya ng ilegal na sugal, kidnapping, pangingikil, at pananakot, gamit ang resources at kaniyang mga koneksiyon nang hindi nalalaman ng kanyang mga superior.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi din ni Ang na nang madawit si Patidongan sa pagkawala ng isang katunggali sa sabong sa Maynila noong huling bahagi ng nakaraang taon, natakot siyang mabunyag ang kanyang mga kasalanan. Kaya ngayon, itinuturo niya ang kanyang mga superior bilang mga utak sa aniya’y isang kwentong gawa-gawa lamang ni alyas Totoy para takasan ang kaparusahan sa kanyang mga krimen.

Sinabi rin ni Ang na nalilinlang ang publiko ng isang “lobo na nagkukubli bilang tupa” at iginiit na isang bihasang manlilinlang si Patidongan na nakikisama sa mga biktima ng trahedyang siya rin mismo ang may gawa.

Tinawag din ni Ang na kathang-isip lang ang kwento ni Patidongan at dapat siya ang mabunyag, at malapit na aniya itong mangyari.

Matatandaan, nauna ng itinuro ni Patidongan sina Ang at aktres na si Gretchen Barretto na nasa likod umano ng pagkawala ng mga sabungero, bagay na itinanggi naman ng dalawa.