-- ADVERTISEMENT --

Pormal nang inihain ni House Speaker Martin Romualdez at Tingog Partylist ang isang resolusyon na layong ma-institutionalize ang partisipasyon ng civil society groups bilang official non-voting observers sa budget hearings.

Batay sa House Resolution Number 94, papayagan nang lumahok sa mga pagdinig ng Committee on Appropriations ang civil society groups upang itaguyod ang transparency at governance na nakasentro sa mamamayan.

Ayon kay Romualdez, nais nilang isulong ang proseso ng budget na tunay na nakikinig sa taumbayan kahit sa simula pa lang ng deliberasyon.

Sa sandaling pinagtibay ang nasabing resolusyon, bago simulan ang 2026 budget, i-a-accredit ang mga organizations at pahihintulutan silang lumahok bilang non-voting observers sa lahat ng public hearings ng Appropriations Panel pati na ang sub-committees nito.

Sa proposed guidelines, tutukuyin ng komite sa pakikipagtulungan ng People’s Participation Panel ang eligibility, accreditation process at saklaw ng partisipasyon ng civil society groups alinsunod sa House rules.

-- ADVERTISEMENT --

Binabanggit ng resolusyon ang Sections 15 at 16, Article XIII ng 1987 Constitution kung saan kinikilala ang karapatan ng mamamayan at kanilang organisasyon na lumahok sa paggawa ng desisyon at protektahan ang kanilang interes.

Binigyang-diin pa ni Romualdez at ng mga kinatawan ng Tingog Partylist na makapagbibigay ng critical expertise ang people’s organizations mula sa sektor ng edukasyon, public health, social welfare, environment, agriculture at local governance para gawing mas “responsive” at “grounded” ang pagpopondo.