Tuluyan nang inilipat ang lalawigan ng Sulu sa Region IX o Zamboanga Peninsula mula sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa bisa ng Executive Order No. 91 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Hulyo 31, 2025.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema na nagpatibay sa petisyon ng Sulu na hindi ito dapat mapasama sa BARMM, matapos nitong tutulan ang ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law noong 2019.
Ayon sa EO 91, layunin ng pamahalaan na matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo publiko sa Sulu sa kabila ng pagbabago ng rehiyonal na hurisdiksyon. Sa panahong ito, inaasahang magkakaroon ng phased transition sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan upang maiwasan ang pagkaantala sa mga proyekto at programa.
Pinapayagan din ang institutional arrangements sa pagitan ng BARMM at Sulu upang maipagpatuloy ang mga umiiral na proyekto at pondong nakalaan para sa lalawigan.
Para sa mga empleyado ng gobyerno sa Sulu na apektado ng reorganisasyon, may nakalaang retirement at separation benefits, kabilang ang refund ng Pag-IBIG contributions at commutation ng leave credits. Ngunit hindi sila maaaring muling ma-empleyo sa executive branch sa loob ng limang taon, maliban kung sila ay magtuturo o magtatrabaho sa ospital.
Itinatag din ang isang technical working group na pangungunahan ng Executive Secretary upang gabayan ang implementasyon ng EO 91 at tiyaking maayos ang paglipat ng Sulu sa bagong rehiyon.