-- ADVERTISEMENT --

Binigyang linaw ng Korte Suprema na maari pang maghain ng mosyon ang kamara para maiparekunsidera ang inilabas nitong bagong resolusyon.

Ito mismo ang inihayag ni Supreme Court Spokesperson Atty. Camille Sue Mae Ting, kasunod ng deklarasyong ‘unconstitutional’ sa ‘articles of impeachment’ laban kay Vice President Sara Duterte.

Ayon kasi sa naturang tagapagsalita, may pagkakataon ang mababang kapulungan ng kongreso na isumite sa Korte Suprema ang ‘motion for reconsideration’ hinggil sa naturang desisyon.

Aniya’y bagama’t ‘immediately executory’ o agaran ang pagpapatupad nito, maari pa rin itong gawin ng House of Representatives upang idulog sa korte ang kanilang panig.

Maalala kasi na inanunsyo ni Spokesperson Atty. Camille Ting ang pagdedeklara ng Kataastaasang Hukuman sa kinakaharap na impeachment complaint ng ikalawang pangulo na hindi naayon sa konstitusyon ng bansa.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay pa rito’y nakasaad sa desisyong inilabas ng Korte Suprema ang mga nakita nitong dahilan kung bakit inisyu ang naturang hatol.

Base sa desisyong napagbotohan ng mahistrado, ang paglabag sa ‘1 year rule’ at ‘right to due process’ ang siyang nakitang rason para maging ‘unconstitutional’ ang articles of impeachment.

Kung saan nagkaisa ang mahistrado dito sa nagging resulta ng botohan na ‘unanimous decision’ sa bilang na 13 ang pabor, walang tutol, dalawa ang inhibit.

Kaya’t bunsod nito’y ipinaliwanag pa ni Atty. Camille Sue Mae Ting ang naging posisyon ng Korte Suprema sa nakitang paglabag sa ‘1 year ban rule’ ng paghahain ng impeachment complaint laban sa isang opisyal ng gobyerno.

Kabilang rin sa naging basehan ng Korte Suprema sa inilabas na desisyon ay ang agarang pagpasa sa impeachment complaint ng hindi umano dumadaan sa tinatawag na due process.

Kaya’t ang naturang articles of impeachment ay ibinasura at ipinawalang bisa ng Kataastaasang Hukuman sa deklarasyong ‘unconstitutional’ ang naturang reklamo laban kay Vice President Sara Duterte.