Nadagdagan pa ang bilang ng mga nasawi sa pananalasa ng bagyong Crising at habagat sa bansa.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong umaga ng Lunes, Hulyo 21, sumampa na sa lima ang naitalang nasawi sa kalamidad mula sa apat na naitala sa mga nakalipas na araw.
Ayon pa sa ahensiya, tumaas din ang bilang ng naitalang nasugatan sa lima habang pito naman ang napaulat na nawawala.
Naberipika na ng ahensiya ang dalawang nasawi at ang isang nasugatan habang nagpapatuloy naman ang validation sa iba pang casualties.
Samantala, umabot na rin sa kabuuang 800,864 indibidwal ang apektado mula sa mahigit 1,000 mga barangay.
Kung saan kabuuang 5,921 pamilya ang kasalukuyang nananatili sa mga evacuation centers matapos silang ilikas habang may 16,671 pamilya naman ang nasa labas ng evacuation centers.
Sa ngayon, bagamat nakalabas na ng bansa noong Sabado patuloy pa rin na binabantayan ang Severe Tropical Storm Wipha o dating bagyong Crising gayundin ang low pressure area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) bagamat mababa ng posibilidad na mabuo ito bilang bagyo sa sunod na 24 oras.