Nagpahayag ng matinding pagkabahala ang mga opisyal ng Laguna dahil sa lumalalang pagbaha sa ilang bahagi ng Calamba City, na iniuugnay ng mga residente sa diumano’y pagku-quarry sa paanan ng Mt. Makiling.
Matapos ang malakas na pag-ulan noong Hulyo 12, ipinakita ng mga video sa social media ang matinding baha at maputik na tubig sa Barangay Pansol, na nagdulot ng matinding trapiko sa highway.
Agad na ipinatawag ni Calamba City Representative Charisse Anne Hernandez-Alcantara ang mga ahensya upang talakayin ang mga posibleng solusyon at nagsampa ng resolusyon sa Kongreso para repasuhin ang mga panukala sa proteksyon ng Mt. Makiling.
Samantala, iniutos ni Calamba City Mayor Roseller Rizal ang pagsuspinde ng isang subdivision development at moratorium sa mga aktibidad sa pagpapaunlad sa bulubunduking bahagi ng Pansol, Bucal, at Bagong Kalsada.
Nilinaw naman ng DENR CALABARZON Regional Executive Director Nilo Tamoria na ang mga aktibidad sa pagku-quarry na kumalat sa social media ay nasa pribadong lupain at hindi sa loob ng Mt. Makiling Forest Reserve.