Naniniwala ang batikang boxing analyst na si Atty. Ed Tolentino na dapat duminahin ni 8-Division World Champion Manny Pacquiao ang mga unang round laban kay Mario Barrios upang maipanalo ang nakatakdang laban bukas, July 20.
Ayon kay Tolentino, bagaman hawak pa rin ni Pacquiao ang liksi at lakas ng suntok, hindi na maitatanggi ang kaniyang edad na tiyak na magpapahirap sa kaniya.
Paliwanag ng batikang analyst, sa loob ng apat na taong pamamahinga ni Pacquiao ay nagawa ng kanyang kalaban na harapin ang mga malalaking pangalan sa larangan ng boxing.
Kinabibilangan ito nina Gervonta Davis, Keith Thurman, at Yordenis Ugas na tumalo mismo kay Pacquiao via unanimous decision noong 2021.
https://googleads.g.doubleclick.net/pagead/ads?client=ca-pub-
Ang mga naturang laban aniya ay malaking tulong sa mas batang boksingero upang ikondisyon ang kaniyang sarili at masigurong tatagal ito sa ring, kasabay ng pakikipagsabayan sa 46 anyos na boxing legend.
Ayon kay Atty. Tolentino, kailangang ipalasap kaagad ni Pacquiao ang kaniyang lakas sa mga unang round ng laban at kung kakayanin ay huwag nang paabutin sa maraming round.
Naniniwala si Tolentino na kung aabot sa mas maraming round ang laban ay kakayanin ni Barrios na sabayan ang lakas at liksi ng pambansang kamao.
Inihalimbawa rin ni Tolentino ang nangyari noong nagharap sina Pacquiao at Thurman kung saan nagawa ng Pinoy boxer na patumbahin ang nakababatang kalaban sa mga unang round. Kinalaunan aniya, nagawa ni Thurman na makipagsabayan kay Pacquiao, lalo na sa mga huling round ng laban.
Payo ng batikang analyst sa kampo ng 8-Division World Champion, alagaan din ng boksingero ang kaniyang paa na dati nang pinoproblema dahil sa leg cramps.
Maraming laban na aniya ang pinagdaanan ng boksingero at tiyak na hindi rin ligtas ang kaniyang mga paa sa pagtanda.
Kilala si Pacquiao sa kaniyang magandang footwork at maraming pinapakawalang combination bilang signature sa mahigit 70 fights na kaniyang pinagdaanan.