-- ADVERTISEMENT --

Ibinunyag ni Department of Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na posibleng aabot na sa higit 30 indibidwal ang hinihinalang sangkot sa pagkawala ng mga sabungero.

Ayon mismo sa naturang kalihim, ganito na karami ang kanilang mga iniimbestigahan na sinasabing may koneksyon sa likod ng isyu ng mga nawawalang sabungero.

Kasunod ito ng makitang dumating at bumisita sa tanggapan ng Department of Justice ang testigong si alyas ‘Totoy’, may tunay na pangalang Julie Dondon Patidongan.

Ito naman ay kinumpirma ni Justice Secretary Remulla at ibinahagi ang naganap na pag-uusap sa pagitan nila ni alyas Totoy.

Aniya’y nagtungo ito sa kagawaran upang bigyang kaliwanagan ang ilan pang mga impormasyon na kinakailangan hinggil sa kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Habang tumanggi munang ilahad ng naturang kalihim ang patungkol sa posibilidad na maging state witness si Patidongan na pinag-uusapan naman raw na sa kasalukuyan.

Kaya’t buhat nito’y ipinaliwanag ni Justice Secretary Remulla ang kahalagahan ng naturang naganap na pag-uusap sa pagitan nila ni alyas ‘Totoy’.

Samantala, patuloy na naninindigan ang Department of Justice na mayroong kredibilidad ang hawak nilang testigong si alyas ‘Totoy’ o Julie Dondon Patidongan.

Ani Secretary Remulla, naniniwala silang mayroong bigat ang mga sinasabi ng naturang testigo na impormasyon patungkol sa pagkawala ng mga sabungero.