-- ADVERTISEMENT --

Nanawagan si Senador Alan Peter Cayetano sa pamahalaan na hilingin sa International Criminal Court (ICC) ang pansamantalang pagpapalaya kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at ipasailalim ito sa “house arrest” habang hinihintay ang paglilitis.

Sa inihaing resolusyon ni Cayetano, nakasaad na dapat payagan ang pansamantalang paglaya ng 80 taong gulang na si Duterte batay sa humanitarian grounds.

Dapat aniyang bigyan ng karapatang ipalagay na inosente ang dating pangulo hanggang napatunayang siya ay may sala batay na rin sa batas ng Pilipinas at maging internasyonal.

Isa sa mga mungkahi ng resolusyon ay ang makipag-ugnayan sa ICC upang ilipat si Duterte sa Philippine Embassy sa The Hague, Netherlands, at doon siya ilagay sa ilalim ng isang uri ng house arrest, modified house arrest, o anumang kaayusang angkop ayon sa desisyon ng korte.

Kailangan aniyang sundin sa kaayusang ito ang anumang kundisyon na maaaring ipataw ng Pre-Trial Chamber, tulad ng mga limitasyon sa paggalaw, pananatili sa isang partikular na tirahan, pagbabawal makipag-ugnayan sa mga biktima o saksi, at pagsunod sa mga paanyaya ng korte.

-- ADVERTISEMENT --

Binanggit din sa resolusyon ang lumalalang kalusugan nin Duterte, na inuugnay sa kanyang katandaan at matagal na pag-iisa.

Babala nito, maaaring lubhang maapektuhan ang kanyang pisikal at emosyonal na kalagayan kung mananatili siya sa kulungan.

Nanawagan din ito ng habag at kagyat na aksyon, na nagsasaad na ang pagbibigay kay Duterte ng pagkakataong makasama ang pamilya at mga kaibigan sa kanyang mga huling taon ay isang simpleng anyo ng dangal – at ang pagkakakait dito ay isang uri ng kawalan ng katarungan.

Apat na buwan nang nasa kustodiya ng ICC si Duterte matapos siyang arestuhin ng Interpol noong March 11, 2025 pagbalik mula Hong Kong.

Inaresto siya base sa isang ICC arrest warrant dahil sa kasong crimes against humanity at agad dinala sa The Hague, Netherlands kung saan siya kasalukuyang nakakulong.