-- ADVERTISEMENT --

Inendorso na ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao sa Blue Ribbon Committee ng Sangguniang Panlungsod ang patong-patong na reklamo laban sa mga opisyal ng apat na barangay sa lungsod dahil umano sa kapabayaan, pang-aabuso sa kapangyarihan, at hindi propesyonal na asal.

Kabilang sa mga barangay na iniimbestigahan ay ang Mother Kalanganan, Poblacion 5, Rosary Heights 5, at Rosary Heights 12. Ang mga reklamo ay opisyal na tinanggap ng SP Secretariat sa isinagawang sesyon ng konseho kahapon.

Pinaiimbestigahan ni Mayor Matabalao si Barangay Mother Kalanganan Chairman Bimbo Pasawiran dahil sa mga alegasyong grave misconduct, abuse of authority, at unprofessional behavior.

Samantala, si Kapitan Dino Espino ng Rosary Heights 5, kasama ang ilang kagawad ng kanyang konseho, ay kakaharap din sa reklamo dahil umano sa pagpapabaya sa tungkulin at kawalan ng regular na sesyon sa barangay council.

Inireklamo rin si Poblacion 5 Chairwoman Pahima Pusaka at ang ingat-yaman nitong si Abenor Basil dahil sa umano’y misconduct at abuse of authority. Nadawit din sa reklamo ang isang kagawad ng RH5 na si Adjari Mantawil, dahil sa umano’y dishonesty at misconduct.

-- ADVERTISEMENT --

Hindi rin ligtas sa reklamo si Rosary Heights 12 Kapitana Melissa Faye Singh Pasawiran, dahil umano sa hindi kaaya-ayang pag-uugali at kawalan ng respeto sa tungkulin bilang isang opisyal ng barangay.

Sa ngayon, wala pang itinakdang petsa kung kailan pormal na sisimulan ang imbestigasyon ng Blue Ribbon Committee na pinamumunuan ni Konsehal Atty. Anwar Malang.