Posibleng sa susunod na taon na masisimulan ang trial proper para kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Ayon kay ICC-accredited lawyer Gilbert Andres, bagaman marami ang interesadong agad masimulan ang paglilitis laban sa dating pangulo, kailangan aniyang masunod ang due process para kaniya.
Una rito ay dapat muna aniyang mapatunayan ng prosecution na may sapat na dahilan upang magsimula na ang trial laban sa dating pangulo.
Nakatakda ang confirmation of charges hearing laban kay Duterte sa Setyembre 23 at dito ay inaasahang iprepresenta ng prosecution panel ang dalawang testigo kasama ang iba pang ebidensiyang nalikom upang bigyang-bigat ang kahilingang dapat nang litisin ang nakakulong na dating opisyal.
Pagkatapos ng September 23 hearing, bibigyan pa aniya ng dalawang buwan (60 days) ang Pre-Trial Chamber upang pag-aralan ang mga iprepresentang ebidensiya hanggang sa maglabas ito ng resolution kung magpapatuloy ba ang paglilitis o tuluyang mapapawalang-sala ang dating pangulo.
Kung tumuloy ang trial, maaari aniyang sa mga buwan ng Enero at Pebrero ng susunod na taon o unang bahagi ng 2026 na masisimulan ang trial.