Handa ang Department of Science and Technology (DOST) na tumulong upang mahanap ang mga nawawalang sabungero na umano’y itinapon sa Taal Lake.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum, maaari silang makipag-ugnayan sa ibang mga siyentipiko at magamit ang ilang kagamitan ng ahensya para sa marine monitoring.
“Of course, makikipag-ugnayan kami sa ibang scientist. Sa tingin naman baka may instrument na may kakayahan. Mayroon kaming pandagat na instrumento na pinondohan ng DOST para sa marine monitoring—para sa mga isda, mga coral, pero kailangan muna naming alamin kung kaya ba ng mga camera na mayroon kami ang maulap na kondisyon ng tubig sa Taal Lake,” ayon sa opisyal.
Ipinaliwanag din ng kalihim na maaaring ihulog ang mga underwater camera upang makita ang mga posibleng labi ng tao. Ayon sa kanya, mas madali at mas ligtas ito kumpara sa pagda-dive, lalo’t hindi tiyak ang lalim ng lake.
Dagdag pa ni Solidum, ang pinakamalaking hamon para sa team ay ang pagtukoy sa eksaktong lugar kung saan itinapon ang mga bangkay.
Ayon pa sa kanya, kung totoo ang pahayag ng whistleblower na doon itinapon ang mga bangkay ng mga sabungero, posible pa ring ma-recover ang kanilang mga buto sa lawa dahil hindi ito agad nasisira.
“Ang buto ay hindi nade-decompose. Yung buto ay hindi naaapektuhan ng decomposition, ang laman lang ng katawan ang nabubulok,” paliwanag niya.
Dagdag pa ng opisyal, nakadepende sa lalim ng lawa at sa antas ng “oxidizing” content ng tubig kung intact pa ang mga katawan o nasa yugto na ito ng pagkabulok.
“’Pag oxidizing, kunwari dito sa lupa, kung iwan mo ang dahon diyan, made-decompose ‘yan in time kasi may air ka pa – may oxygen. Pero pag wala nang oxygen, hindi na ‘yan made-decompose, mape-preserve. Kaya depende ‘yan sa lokasyon,” dagdag pa niya.
Nauna nang humingi ng tulong teknikal ang gobyerno sa bansang Japan upang makatulong sa recovery operation.
Ang Taal Lake ay may lawak na humigit-kumulang 230 square kilometers at umaabot sa lalim na 172 metro sa ilang bahagi nito.