Naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police–Highway Patrol Group (PNP-HPG) ang pitong katao sa isang operasyon laban sa carnapping, matapos matuklasan ang isang hinihinalang chop-chop bodega sa San Jose Del Monte, Bulacan nitong June 28, 2025.
Nag-ugat ang operasyon sa reklamo ng isang biktima na nagpaupa ng kanyang sports utility vehicle (SUV) ngunit hindi na ito ibinalik.
Kalaunan ay nadiskubre na ang ilang bahagi ng SUV ay ibinebenta na sa Facebook marketplace.
Nagkunwaring buyer ang mga operatiba ng HPG at agad na ikinasa ang follow-up operation na humantong sa pagkakadakip ng pitong suspek at pagkakatuklas ng chop-chop bodega kung saan hinihinalang kinakalas at ibinebenta ang mga piyesa ng mga nakaw na sasakyan.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang mga suspek para sa kaukulang dokumentasyon, imbestigasyon, at pagsasampa ng kaso alinsunod sa Republic Act No. 10883 o New Anti-Carnapping Law of 2016.