Inireklamo ni Philippine Coast Guard (PCG) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela ang blogger na si Sass Rogando Sasot dahil sa cyberlibel ngayong araw ng Biyernes, Hulyo 4.
Kinumpirma naman ito ng PCG official sa kaniyang X account.
Inihain ni Comm. Tarriela ang naturang reklamo sa Manila Prosecutor’s Office kasama ang Movement Against Disinformation (MAD).
Base sa reklamong inihain ng PCG official, nag-post umano si Sasot ng “scurrilous libels” o mapanlinlang na paninirang puri laban sa kaniya sa social media accounts ng naturang blogger na nagaakusa sa PCG official ng panunuhol, korupsiyon at pandaraya.
Ayon pa kay Tarriela, inakusahan siya ni Sasot ng pagtanggap umano ng $4 million na talent fee mula sa Amerika at pera mula kay House Speaker Martin Romualdez.
Ti-nag din aniya siya ng blogger bilang Philippine Military Academy cheater.
Subalit ayon kay Tarriela ang lahat ng mga alegasyon laban sa kaniya ay walang katotohanan at walang anumang legal na basehan.
Kaugnay nito, hiniling ng PCG official ang mahigit P1 milyong kabayaran bilang bayad pinsala sa paninira sa kaniyang pangalan.
Sa kaniyang X account, sinabi naman ni Comm. Tarriela na kailangan ang naturang legal na aksiyon bilang tugon sa mga serye ng mga walang basehan, malisyoso at malalim na personal na pag-atake laban sa kaniya online na pinunterya ang kaniyang pribadong buhay gayundin ang kaniyang tungkulin bilang tagapagsalita ng PCG para sa WPS.
“This legal action is a necessary response to a series of baseless, malicious, and deeply personal online attacks that have targeted not only my private life but also my duties as the Spokesperson for the West Philippine Sea of the Philippine Coast Guard. While I fully respect the role of free speech in a democratic society, that freedom does not extend to the willful spread of disinformation, personal defamation, or efforts to erode public confidence through falsehoods”, saad ni Tarriela sa kaniyang X account.
Ang naturang hakbang din aniya ay hindi para lamang depensahan ang kaniyang pangalan kundi pagtindig sa bawat public servant na tahimik na tinitiis ang online abuse at misrepresentation.
Umaasa din ang PCG official na magsilbing paalala ito na ang kalayaan sa pagpapahayag ay dapat na salig sa katotohanan, pananagutan at paggalang.