-- ADVERTISEMENT --

Kinumpirma ng Department of Justice ang pagsasampa ng kaso laban kina Charlie ‘Atong’ Ang, isang negosyante at Gretchen Barretto, na isa namang kilalang aktres.

Kung saan tiniyak ng naturang kagawaran ang paghahain ng ‘formal case’ kontra sa mga nabanggit na personalidad hinggil sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, ang pagsasapormal ng kaso ay asahang di’ na magtatagal pa at kanila na itong maisasampa.

Ngunit kanyang paglilinaw naman na ito’y dadaan pa sa masusing pag-aaral at pag-iimbestiga lalo ng piskalya o prosekusyon ng Department of Justice.

Giit kasi ni Justice Secretary Remulla na ang mga ebidensyang hawak ngayon ng kagawaran ay kinakailangan pang masuring maigi upang matukoy kung anong kaso ang dapat na isampa o ihain.

-- ADVERTISEMENT --

‘Sooner than later, it will happen… syempre may specific cases yan na kinakailangang magkaroon ng elements ng crime na pwede naming i-prove as prosecutor,’ ani Sec. Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.

Matatandaan din na isinasama na ng Department of Justice sina Atong Ang at Gretchen Barretto bilang suspek sa kaso ng mga ‘missing sabungeros’.

Kasunod ito ng pagsiwalat ni alyas ‘Totoy’ sa kanyang mga alegasyong nagdadawit sa dalawang personalidad hinggil sa mga nawawalang sabungero.

Kaya’t mismong si Justice Secretary Remulla ay aminadong mabigat ang kanilang iniimbestigahang kaso.

Aniya’y bunsod ito ng dahil sa maraming pera at hindi biro ang lawak ng koneksyon ng ‘mastermind’ sa likod ng pagkawala ng mga biktimang sabungero.

Sa panig naman ni Charlie ‘Atong’ Ang, kanya namang inakusahan si alyas ‘Totoy’ na tanging nais at habol lamang raw nito ay pera.

Ito aniya ang nakikitang posibleng rason sa likod ng mga akusasyon o alegasyong pagdawit sa kanya ni alyas ‘Totoy’ bilang mastermind umano sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Base naman sa Department of Justice, posibleng maging ‘state witness’ si alyas ‘Totoy’ dahil sa bigat ng kanyang mga testimonya.