-- ADVERTISEMENT --

Inilikas ng mga awtoridad ang nasa mahigit 1,500 na mga residente mula sa hotel at kabahayan sa Crete, Greece matapos sumiklab ang mabilis na pagkalat ng wildfire sa bahagi ng isla, ayon sa ulat ng Greek fire brigade nitong Huwebes, Hulyo 3.

Mahigit 230 bumbero ang kasalukuyang nagtulong-tulong upang mapula ang nagngangalit na apoy na tinawag ng mga awtoridad na “napakahirap” na sitwasyon dahil sa sabay-sabay na pagsiklab ng apoy sa iba’t ibang bahagi.

Isang hiwalay na sunog rin ang naitala sa Halkidiki region, kung saan 160 bumbero at 49 sasakyang pang-emergency ang kasalukuyang rumesponde.

Nagbabala naman ang fire service na ang bansa ay papasok na sa “pinakamapanganib na buwan” ng fire season, kung saan ang malalakas na hangin ay lalo pang nagpapabilis sa pagkalat ng apoy.

Samantala naitala rin ang mga wildfire sa Germany, partikular sa Saxony kung saan may dalawang taong nasugatan at mahigit 100 ang inilikas.

-- ADVERTISEMENT --

Nabatid na ang nararanasang wildfire ay kasabay ng patuloy na matinding heatwave sa Europa, kung saan inaasahang aabot sa mid-30s ang temperatura sa mga bansa tulad ng Spain, Italy, Austria, Hungary, Slovakia, Poland, at Croatia.