-- ADVERTISEMENT --

Hindi baba sa siyam (9) na katao ang nasawi habang 13 ang sugatan matapos walang habas na mamaril ang isang 13-anyos na estudyante sa Kahramanmaras province southern Turkey.

Batay sa imbestigasyon, pumasok ang Grade 8 student na suspek sa naturang paaralan na may dalang mga baril na pinaniniwalaang pag-aari ng kanyang ama na dating pulis. Agad umano itong pumasok sa dalawang silid-aralan at nagpaulan ng bala.

Lima umanong baril at pitong magazine ang dala ng suspek na kalaunan ay nasawi din, ngunit hindi pa malinaw kung ito ay nagpakamatay.

Ayon sa mga awtoridad apat sa mga sugatan ang nasa kritikal na kondisyon ngayon, habang anim ang nasa intensive care unit.

Ilan sa mga estudyante ay tumalon din umano mula sa bintana ng paaralan upang makatakas sa pamamaril ng estudyante.

-- ADVERTISEMENT --

Iniulat din na hinuli ng mga awtoridad ang ama ng suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente.

Nabatid na naganap ang pamamaril isang araw matapos ang isa pang insidente ng pamamaril sa iba pang paaralan sa Sanliurfa province kung saan 16 katao ang nasugatan.

Nagpahayag naman ng pakikiramay si Turkish President Recep Tayyip Erdogan at sinabing pananagutin ang sinumang mapapatunayang nagpabaya sa nakapanlulumong pangyayari.