Kulong ang nasa walong police officer matapos masangkot umano sa robbery sa ikinasang anti-illegal drugs operations sa may Pasig City.
Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), nangyari ang insidente ngayong Sabado, Disyembre 27 bandang alas-2:05 ng hapon sa may Barangay Palatiw sa Pasig City.
Natukoy na mga miyembo ng District Drug Enforcement Unit ng Eastern Police District ang mga sangkot na pulis na nagkasa ng naturang operasyon kung saan pinasok umano nila ang isang residential house para hanapin ang isang suspected drug personality.
Ayon sa NCRPO, isinumbong kalaunan ng mga may-ari ng bahay ang umano’y pagkuha ng kanilang personal na mga gamit, dahilan para humingi na sila ng tulong mula kapulisan.
Agad naman itong inaksyunan at pinuntahan ng kapulisan mula Pasig City Police Station at walang nakitang ebidensiya ng lehitimong anti-illegal drugs operation.
Batay sa NCRPO, nang kanilang beripikahin kung lehitimo ang operasyon walang naipakita ang mga sangkot na pulis na anumang opisyal na dokumento.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Pasig police station ang mga sangkot na suspek at nakatakdang isailalim sa inquest proceedings. Dinisarmahan na rin ang mga ito ng kanilang mga service firearms.











