-- ADVERTISEMENT --

Inihayag ni House Majority Leader Sandro Marcos na walong panukalang prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ang nasa advanced stage na sa House of Representatives matapos maaprubahan sa kani-kanilang komite at kasalukuyang hinihintay ang komento ng Committee on Appropriations.

Ayon kay Marcos, sa ilalim ng pamumuno ni Speaker Faustino Bojie Dy III

patuloy ang maayos na pag-usad ng mga panukala, lalo na yaong may direktang epekto sa edukasyon, kalusugan, seguridad sa pagkain, at social protection.

Kabilang sa walong panukala ang modernisasyon ng Bureau of Immigration, National Land Use Act, paglikha ng Independent People’s Commission, Presidential Merit Scholarship Program, mga amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act, Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Act, Magna Carta for MSMEs, at panukalang pag-reset ng halalan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Ang panukalang BARMM elections reset ay kabilang sa apat na pangunahing panukala sa ilalim ng Common Legislative Agenda (CLA), kasama ang panukalang pag-alis ng travel tax, Expanded OSAEC at CSAEM Act of 2026, at panukala laban sa fake news at digital disinformation.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabuuan, 12 sa 52 LEDAC priority measures ang naaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa, habang walong iba pa ang papalapit na sa plenary deliberations.

Binigyang-diin ni Marcos na layunin ng Kamara na maipasa ang mga batas na may konkretong benepisyo sa pang-araw-araw na buhay ng mga Pilipino.