Umabot sa halos 650,000 ang mga kapatid o miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang nakiisa sa unang araw ng ”Transparency for a Better Democracy” rally sa Quirino Grandstand nitong gabi ng Linggo, Nobyembre 16, 2025.
Ayon sa Manila Disaster Risk Reduction and Management Office, tinatayang nasa mahigit na 650,000 katao ang mga dumalo sa lugar pagsapit ng ala-6 ng gabi.
Nagsimula ang kilos-protesta nitong Linggo at nakatakdang magpatuloy hanggang Miyerkules, Nobyembre 17. Suot ng mga kalahok ang puting damit na may nakasulat na ”Transparency for a Better Democracy.”
Layon ng rally na palakasin ang panawagan para sa transparency at masusing imbestigasyon sa umano’y mga anomalya sa mga flood control project na pinondohan ng trilyong pisong pondo ng bayan.
Iginiit pa ng INC ang kahalagahan ng pananagutan ukol sa mga nasa likod ng iregularidad na mga proyektong pang-imprastuktura ng pamahalaan at mabawi ang anumang nawalang pondo sa bayan.
Ayon kay INC spokesperson at minister of the gospel Kapatid na Edwil Zabala, bukas ang protesta maging sa mga hindi kasapi ng Iglesia.
Inanunsyo din ng opisyal na mag-papatuloy sila ng kanilang mapayapang panawagan hanggang mapanagot ang mga nasa likod ng korapsyon.
Samantala, kapansin-pansin din ang mga inilatag na tent ng pamunuan ng INC mula sa T.M. Kalaw hanggang Luneta Park at binuksan din ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang kanilang tatlong sports complex upang tumanggap ng mga mag-o-overnight na kalahok.
Suspendido rin ang face-to-face classes sa Maynila habang nagpapatuloy ang protesta.











