-- ADVERTISEMENT --

Hindi baba sa anim (6) katao ang naiulat na nasawi sa malawakang pagguho ng basura sa Binaliw Landfill, habang dose-dosena naman ang iba pang nawawala.

Tinatayang 50 sanitation workers ang natabunan noong Huwebes, Enero 8, nang bumagsak ang basura mula sa taas na tinatayang katumbas ng 20 palapag sa pribadong landfill na pinapatakbo ng Prime Integrated Waste Solutions.

Kasalukuyan namang nagpapatuloy ang operasyon ng mga awtoridad kung saan gumamit na ang mga ito ng mabibigat na makinarya, kabilang ang backhoes upang hukayin ang mga natabunan.

Ayon kay Cebu rescuer Jo Reyes, patuloy ang operasyon ngunit pansamantala itong humihinto kapag gumagalaw ang landfill.

Kinumpirma naman ni Cebu City councillor Dave Tumulak, chairman ng city disaster council, na nadagdagan sa anim (6) ang kumpirmadong patay matapos ma-recover ang dalawang katawan nitong Sabado, habang 32 katao ang kasalukuyang nawawala.

-- ADVERTISEMENT --

Kabilang ang administrative offices at staff housing sa natabunan ng basura na pinaniniwalaang maraming biktima ang naroon.

Nabatid na ang Binaliw Landfill ay nagpoproseso ng humigit-kumulang 1,000 tonelada ng basura araw-araw at nagse-serbisyo sa Cebu City at kalapit na mga komunidad.

Bukas naman ang Bombo Radyo Philippines sa panig ng kumpanya ngunit hanggang sa ngayon ay ‘wala pa itong pahayag ukol sa isyu.