-- ADVERTISEMENT --

Inaresto at dinala na sa Quezon City Jail nitong Lunes, Nobyembre 24, ng hapon ang anim na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng umano’y anomalya sa P289 million flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Dumating sa QC Jail male dormitory sa Payatas ang mga akusado ng DPWH Region 4B na sina Director Gerald Pacanan, Assistant Regional Directors Gene Ryan Altea at Ruben Santos, Construction Division Chief at BAC chair Dominic Serrano, OIC-Quality Assurance Chief Dennis Abagon, at Project Engineer Felisardo Casuno kung saan sila sumailalim sa mugshots, medical check-up at documentation.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, may confinement order na ang anim at tiniyak niyang ligtas sila sa loob ng pasilidad. Biro pa niya, nakasali na raw ang mga ito sa “Baha Na Sila Gang.”

Sinabi naman ng BJMP na hindi magiging problema ang overcrowding at ilalagay ang anim sa general population nang walang special treatment kung saan pareho ng pagkain, tulugan, at mga aktibidad.

Tatlong iba pang akusado ang nasa abroad at binigyan ng hanggang Huwebes para sumuko. Samantala, nananatiling at large ang itinuturong utak ng scam na si dating Ako Bicol Party-List Rep. Zaldy Co, na hinihintay ang kanselasyon ng pasaporte habang nakabukas na ang Interpol red notice.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag ni Remulla, maaaring masundan pa ito ng pag-aresto sa mas “malalaking isda,” kabilang ang ilang opisyal ng gobyerno sa mga darating na linggo.

Nakatakdang isagawa ang arraignment ng anim, na itinuturing pa ring inosente hanggang sa mapatunayan ang kanilang pagkakasala.