Hindi bababa sa 50 katao, kabilang ang 22 bata, ang nasawi sa mga airstrike ng Israel sa Gaza, ayon sa civil defense agency ng naturang teritoryo.
Ayon sa ahensya, ang pambobomba ay isang lantad na paglabag sa kasunduan sa tigil-putukan, habang iginiit naman ni US President Donald Trump na “walang makasisira” sa truce na siya ang tumulong buuin.
Target umano ng mga pag-atake ang mga tolda ng mga lumikas, mga bahay, at ang paligid ng isang ospital.
Sinimulan ng Israel ang mga operasyon matapos akusahan ang Hamas na umatake sa kanilang tropa sa Rafah, na nagresulta sa pagkamatay ng sundalong si Yona Efraim Feldbaum.
Iginiit ng Hamas na wala silang kinalaman sa insidente at nais nilang mapanatili ang kapayapaan, subalit inaakusahan pa rin sila ng Israel na patuloy na lumalabag sa kasunduan dahil sa hindi pagsasauli ng mga bangkay ng mga bihag.










