Magpapatayo ang pamahalaan ng humigit-kumulang 4,000 bagong silid-aralan upang tugunan ang kakulangan ng classroom sa buong bansa, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kasunod ng nilagdaang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng DepEd at local government units (LGU) nitong Miyerkoles.
Ayon sa Pangulo, ito ay unang yugto lamang ng mas malawak na classroom-building program ng administrasyon.
Inihayag din ng Pangulong Marcos, umaabot na sa 145,000 silid-aralan ang kakulangan sa buong bansa, dahilan kung bakit napipilitang magpatupad ng multiple shifts ang mga paaralan at may mga estudyanteng nag-aaral sa mga basketball court o sa ilalim ng puno.
Sa ilalim ng partnership, DepEd ang magtatakda ng pamantayan, disenyo, at pondo, habang ang LGUs ang mangunguna sa procurement at aktuwal na konstruksyon ng mga silid-aralan upang mapabilis ang proseso at maiwasan ang pagkaantala.
Para sa 2026, ₱85.39 bilyon ang inilaan sa Basic Education Facilities. Sa unang yugto ng programa, ₱9.6 bilyon ang pondo, kung saan ₱4.1 bilyon ay mapupunta sa mga probinsya para sa konstruksyon ng humigit-kumulang 1,200 silid-aralan, habang 2,800 prefab classrooms naman ang bibilhin ng DepEd.
Tiniyak ng Pangulo na daraan sa mahigpit na validation ng DepEd ang mga proyekto at walang turnover kung hindi pasado sa pamantayan, bilang bahagi ng transparency at pananagutan.
Kasabay nito, pinapalakas din ng pamahalaan ang internet connectivity sa mga paaralan, target na makonekta ang mahigit 14,000 unserved at underserved schools, at pinalalawak ang ARAL Program para sa learning recovery ng mga mag-aaral.
Binigyang-diin ni Pangulong Marcos na edukasyon ang pangunahing prayoridad ng administrasyon, at naniniwala siyang sa pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan, mas mabilis at mas ramdam ang resulta para sa mga mag-aaral sa ilalim ng Bagong Pilipinas.











