Pumalo na sa 40 lugar sa Pilipinas ang inilagay sa state of calamity (SOC) dahil sa pananalasa ng nagdaang bagyong Crising at kasalukuyang mga bagyong Dante, Emong at ng habagat.
Batay sa datos mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), kabilang sa mga nasa state of calamity ay ang 23 siyudad at bayan sa lalawigan ng Cavite at 17 lugar sa Metro Manila at iba pang mga probinsiya .
Sa monitoring ng ahensiya, kabilang sa nakasailalim sa state of calamity ang mga bayan ng Mangaldan at Umingan sa Pangasinan, Meycauayan, Paombong, Balagtas at Calumpit sa Bulacan, Masantol sa Pampanga, Paniqui sa Tarlac, Agoncillo sa Batangas, San Mateo, Rodriguez (Montalban) at Cainta sa Rizal, Roxas sa Palawan, Barbaza at Sebaste sa Antique, at sa Metro Manila naman, ang Malabon City at Quezon City.
Maliban dito, inilagay na rin ang ilan pang siyudad sa Metro Manila gaya ng Marikina, Manila at Las Piñas habang sa iba pang mga probinsiya sa Ilocos Region gaya ng Pangasinan, kung saan ilang lugar dito ay nakakaranas ng matinding pagbaha ay isinailalim na rin sa SOC kabilang ang Dagupan City, Calasiao, Lingayen, Malasiqui at Sta. Barbara gayundin sa may Cebu City.
Sa kasalukuyan, apektado na ng mga kalamidad ang mahigit 2.7 milyong indibidwal mula sa mahigit 700,000 pamilya sa lahat ng rehiyon sa bansa maliban sa Eastern Visayas.
Sa kabuuang bilang, mahigit 147,000 indibidwal mula sa mahigit 40,000 pamilya ang nananatili sa mga evacuation centers habang ang mahigit 90,000 indibidwal mula sa mahigit 23,000 pamilya ay nakikituloy pansamantala sa ibang mga lugar.
Nakapagtala ang mga nabanggit na lugar ng mga insidente ng pagbaha, pagguho ng lupa, pagguho ng mga istruktura at buhawi.
Pinakamatinding sinalantang rehiyon ang Central Luzon na sinundan ng Negros island region at CALABARZON.
Kumitil na ang nararanasang kalamidad sa bansa ng 12 katao habang may walo pa ang nananatiling nawawala at walo ang napaulat nasugatan.