-- ADVERTISEMENT --

KORONADAL CITY – Apat na miyembro ng rebeldeng grupo na New People’s Army (NPA) ang boluntaryong sumuko sa lalawigan ng South Cotabato.

Ang mga dating armadong kasapi ng grupo ay nagpasyang sumuko sa gobyerno sa pamamagitan ng 38th Infantry (We Clear) Battalion dahil sa pangambang mapuksa sila sa pinaigting na operasyon ng militar sa lugar.

Ayon kay Lt. Col. Erwin E. Felongco, Commanding Officer ng 38IB, tatlong dating miyembro ng komunistang grupo at isang lokal na terorista ang sumuko dala ang kanilang mga armas sa kampo ng 38IB sa Barangay Kablon, Tupi, South Cotabato noong ika-11 ng Hunyo, 2025.

Bukod sa apat na rebelde, labing-isang piraso ng mga armas ang isinuko rin ng ilang sibilyan mula sa komunidad. Kabilang dito ang isang 7.62 M14 rifle, isang M16 rifle, isang M1D Garand Sniper Rifle, isang Carbine, limang shotgun, isang Uzi, isang Cal. 22 rifle, dalawang Cal. 38 revolver pistol, isang pistol-type shotgun, at iba’t ibang uri ng bala.

Ipinakilala ni Lt. Col. Felongco ang apat na dating rebelde kay Col. Ronel R. Manalo, Commander ng 1st Mechanized Brigade, sa isang simpleng seremonya sa kampo ng 38IB. Dumalo rin sa aktibidad ang mga lokal na opisyal tulad nina Ms. Anisah A. Abubakar, LPE Head ng DSWD Region XII; Ms. Marivic Tubo, kinatawan ng LGU Polomolok; Hon. Reno Sobrepeña, Kapitan ng Barangay Koronadal Proper, Polomolok; at PLTC Harold V. Cornel, Hepe ng Polomolok Municipal Police Station.

-- ADVERTISEMENT --

Bilang bahagi ng programa ng pamahalaan, agad na nabigyan ng tulong pinansyal at food packs ang mga dating rebelde mula sa DSWD Region XII at mga lokal na pamahalaan ng Polomolok, Tantangan, at Banga sa South Cotabato.

Ayon kay Col. Manalo, “Ang tagumpay ng ating operasyon ay hindi lamang nasusukat sa nakumpiskang mga armas, kundi higit sa pagbabalik-loob ng mga dating rebelde na ngayon ay may pagkakataong magsimula muli.”

Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni Major General Donald M. Gumiran, Commander ng 6ID at Joint Task Force Central (JTFC), na ang insidenteng ito ay bunga ng matatag na dedikasyon ng militar sa pagtupad ng kanilang tungkulin para sa kapayapaan at seguridad sa komunidad.

Aniya, “Ang pagnanais ng mga dating rebelde na muling mamuhay nang mapayapa ay patunay ng ating tagumpay hindi lang sa usapin ng seguridad kundi pati na rin sa pagbubuo ng pagkakaisa at kapayapaan.”

Kasabay nito, tiniyak ng Heneral na patuloy ang kooperasyon ng militar kasama ang mga lokal na pamahalaan at iba’t ibang sektor upang maisakatuparan ang layuning makamtan ang tunay na kapayapaan sa buong rehiyon ng Mindanao.