-- ADVERTISEMENT --

Hindi bababa sa 33 katao ang nasawi habang 36 ang nasugatan matapos magsagawa ng airstrike ang militar ng Myanmar malapit sa isang pamilihan sa Kyauktaw, Rakhine State nitong Lunes, Setyembre 28.

Ayon sa Arakan Army, dalawang bomba ang ibinagsak ng isang fighter jet malapit sa pamilihan bandang tanghali, kung saan kabilang sa mga nasawi ang mga tindero, mamimili at mga residente.

Kinumpirma rin ng rescue official na si Wai Hun Aung ang bilang ng mga nasawi at sugatan. Aniya, isa ang naturang pamilihan sa pangunahing wholesale center sa rehiyon na dinarayo ng mga negosyante at mamimili mula sa iba’t ibang bahagi ng Rakhine.

Nagbabala ang Arakan Army na maaari pang tumaas ang bilang ng mga nasawi habang nagpapatuloy ang retrieval at rescue operations.

Hindi pa naglalabas ng pahayag ang militar ng Myanmar kaugnay ng insidente. Sa mga nauna nitong pahayag, sinabi ng militar na lehitimong military targets lamang ang kanilang tinatarget.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy ang labanan sa Myanmar matapos ang military coup noong 2021, kung saan nakikipaglaban ang militar sa iba’t ibang armadong grupo, kabilang ang Arakan Army.