Plano ng Philippine Navy na kumuha ng tatlo mula sa anim na barkong pandigma ng Japan.
Ito ang ibinunyag ni Navy chief Jose Maria Ambrosio Ezpeleta sa pagdinig ng Senate Committee on Finance, matapos banggitin ni Sen. JV Ejercito ang naturang usapin habang tinatalakay ang panukalang pondo ng Armed Forces of the Philippines.
Ayon sa Navy official, na-inspeksiyon na nila ang planong bilhin na Abukuma-class Japanese destroyer warships at isinumite na ang kanilang rekomendasyon.
Ipinaliwanag naman ng Navy chief na walang garantiya na ililipat ng Japan ang destroyer escorts nito sa Pilipinas, dahil na rin sa ilang mga limitasyon na nakapaloob sa konstitusyon gayundin walang garantiya na tatanggalin ang weapon systems ng mga barkong pandigma sa oras na maisakatuparan na ang paglilipat ng mga ito.
Ang Abukuma-class destroyer escorts ay idinisenyo para sa anti-submarine at anti-ship warfare, na may kaparehong mga katangian tulad ng Jose Rizal-class frigates ng Philippine Navy.
Kamakailan lamang noong Setyembre 11, naging epektibo na ang Reciprocal Access Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Japan, kung saan papahintulutan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Japan Self-Defense Forces na magsagawa ng joint training exercises sa teritoryo ng bawat isa, magpalitan ng pinakamahusay na mga kasanayan, gayundin ang pagluluwag sa mga restriksiyon sa galaw ng personnel at equipment at mahasa pa ang interoperability.