Nakalabas na ng ospital ang dalawampu’t anim (26) na pasyente ng leptospirosis sa San Lazaro Hospital sa Maynila matapos opisyal na ideklarang gumaling at cleared for discharge.
Ayon sa pamunuan ng pasilidad, karamihan sa mga nagamot na pasyente ay nagkaroon ng impeksyon dahil sa paglusong o exposure sa tubig-baha.
Muling nagpaalala ang mga health official na ang bacteria ng leptospirosis ay maaaring magdulot ng mga paunang sintomas tulad ng lagnat, sakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, at panginginig.
Karaniwang lumilitaw ang mga senyales na ito sa loob ng dalawang linggo matapos lumusong sa baha, ngunit maaari ring mag-manifest sa loob ng dalawa hanggang 30 araw.
Nagbabala ang ahensya na kapag hindi agad naagapan, ang leptospirosis ay maaaring lumala at maging sanhi ng nakamamatay na komplikasyon.
Dahil dito, mahigpit ang paalala ng health center sa publiko na magpakonsulta agad sa pinakamalapit na pasilidad ng kalusugan kapag nakaranas ng anumang sintomas matapos lumusong sa baha.
Binigyang-diin ng mga dalubhasa na napakahalaga ng maagang diagnosis at agarang gamot upang makaiwas sa malubhang sakit at mailigtas ang buhay.










