-- ADVERTISEMENT --

Isang bank robbery sa Naples, Italy ang nagdulot ng malaking police operation matapos dukutin ng mga armadong lalaki ang 25 katao sa loob ng bangko noong Huwebes (oras sa Italy).

Ayon sa ulat, nagsimula ang insidente bandang tanghali nang pasukin ng mga suspek ang isang sangay ng Crédit Agricole.

Agad rumesponde ang pulisya at pinalibutan ang gusali habang naganap ang hostage situation.

Sa loob ng halos dalawang oras, nakipagnegosasyon ang mga awtoridad hanggang sa mapalaya ang lahat ng hostages bandang ala-1:30 ng hapon (local time).

Ayon sa mga opisyal, walang malubhang nasaktan sa insidente, bagama’t ilan sa mga bihag ay nabigyan ng medical assistance dahil sa pagkabigla at trauma.

-- ADVERTISEMENT --

Sinabi ng ilang nakaligtas na ikinulong sila sa isang silid na armado ng mga suspek, ngunit wala umano sa kanila ang sinaktan.

Makikita sa mga video ang mga bumbero na binabasag ang bintana para tulungan ang mga tao na makalabas, habang ang mga hostages ay halatang nanginginig at emosyonal nang makalaya.

Kalaunan, nagsagawa ng assault ang special forces ng carabinieri, ngunit natuklasan na nakatakas na ang mga suspek sa pamamagitan ng isang tunnel, na posibleng konektado sa sewer system.

Ayon sa mga ulat, hindi pa matukoy ang kabuuang halaga ng ninakaw dahil hindi cash ang target ng mga suspek kundi mga personal safety deposit boxes.

Patuloy pa ang imbestigasyon at manhunt operations sa mga tumakas na salarin.