-- ADVERTISEMENT --

Tinatayang 17,300 residente o 4,622 pamilya sa Pampanga ang kasalukuyang nananatili sa 270 evacuation centers sa buong lalawigan dahil sa matindi at walang patid na pagbaha.

Ayon kay Pampanga Governor Lilia Pineda, hindi pa kasama sa naturang bilang ang mga mamamayang piniling mag-stay sa kanilang mga tahanan sa kabila ng mataas na tubig-baha.

Binigyang-diin ng gobernador na maging ang mga lugar na hindi karaniwang binabaha ay inabot na rin ngayon dahil sa backflow ng tubig na hindi agad makalabas patungong Manila Bay.

Kabilang sa mga pinakanaapektuhan ang bayan ng San Simon, kung saan binaha ang ilang barangay pati na ang bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX).

Nahihirapan din ang mga awtoridad na alisin ang tubig dahil umiikot lamang ito sa lugar sa halip na tuluyang ma-drain.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaang panlalawigan sa mga alkalde at barangay official upang unahin sa paglikas ang mga bata, may sakit, senior citizen, at mga bedridden na residente.

Muli namang hinimok ni Pineda ang mga mamamayan na mahigpit na sumunod sa mga babala ng pamahalaan at maghanda ng sariling emergency plan ang bawat pamilya upang matiyak ang kaligtasan sa gitna ng kalamidad.