-- ADVERTISEMENT --

Tinatayang aabot sa 15,000 ang humiling ng repatriation assistance mula sa Department of Migrant Workers (DMW) mula sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na apektado ng patuloy na kaguluhan sa Gitnang Silangan.

Ayon sa DMW, karamihan sa mga humiling ay mula sa mga OFWs na nakategorya nang “repatriation-ready,” nangangahulugang kumpleto na ang kanilang requirements at naghihintay na lamang ng plano para sa kanilang pagbabalik sa Pilipinas.

Nilinaw ng DMW na hindi lahat ng humiling ay nangangahulugan ng agarang pangangailangan para sa repatriation. Maraming OFWs kasi ang nag-submit ng kahilingang umuwi upang maisama sa opisyal na monitoring list at masiguro ang agarang tulong sakaling lumala ang sitwasyon sa kanilang lugar.

May ilan din daw na umatras matapos magpalista dahil sa pagkakaroon ng stable na trabaho o pagresolba ng workplace issues.

Hanggang noong Abril 6, umabot na sa 4,611 OFWs at kanilang dependents ang na-repatriate mula sa Gitnang Silangan.

-- ADVERTISEMENT --

Kaugnay nito nakikipagtulungan din ang DMW sa Department of Labor and Employment upang aralin ang alternative labor markets at profiling ng mga repatriated OFWs para maitalaga sa kanila ang angkop na trabaho.