-- ADVERTISEMENT --

Isang 11-anyos na batang lalaki sa Canada ang nasawi dahil sa rabies ilang linggo bunsod ng pagdapo ng paniki sa kanyang mukha habang siya’y natutulog.

Ayon sa Canadian Medical Association Journal, naganap ang insidente noong summer ng 2024 sa Ontario, Canada, kung saan isang paniki ang napunta sa mukha ng bata habang siya ay natutulog sa isang cottage.

Tinabig umano ng bata ang paniki, at agad itong nahuli at pinalaya ng kanyang ama.

Dahil walang nakitang kagat o sugat, hindi na sila nagpunta sa ospital o nagpakonsulta.

Pagkalipas ng humigit-kumulang tatlong linggo, nagsimulang makaranas ang bata ng pamamanhid sa mukha, kawalan ng gana sa pagkain, at pamamaga.

-- ADVERTISEMENT --

Kalaunan ay lumala ang kanyang kondisyon at nagkaroon siya ng hirap sa paglunok, pagkalito, hallucinations, at labis na paglalaway.

Kinumpirma ng mga doktor na siya ay may rabies. Sa kabila ng gamutan sa ospital, lumala pa rin ang kanyang kalagayan at kalaunan ay binawian ng buhay 17-araw matapos ma-admit sa ospital.

Nabatid na ito ang unang kaso ng nakuhang rabies sa Ontario mula noong 1967.

Paalala ng mga eksperto, ang rabies ay laging nakamamatay kapag lumitaw na ang sintomas, ngunit maaari itong maiwasan kung makakatanggap agad ng tamang bakuna matapos ang posibleng exposure sa hayop na may rabies.

Giit pa nila, kahit walang nakikitang kagat, dapat agad magpatingin kapag nagkaroon ng direktang contact sa paniki dahil maaaring may maliit itong kagat na hindi agad napapansin.