Isang tao ang nasawi at mahigit 60 ang sugatan matapos tamaan ng mga drone strike ang Kuwait International Airport sa gitna ng umiigting na tensyon sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.
Tinukoy ng Kuwait Ministry of Defence ang insidente bilang “criminal Iranian aggression,” habang sinabi ng foreign ministry na ilang diplomatic missions ang napinsala sa pag-atake.
Ayon sa Islamic Revolutionary Guard Corps (IRGC), sila ang nasa likod ng operasyon at sinabing ito ay ganti sa kamakailang aksyon ng Amerika laban sa isang Iranian oil tanker at Qeshm Island. Iginiit din ng Iran na target nito ang mga U.S. base sa iba’t ibang bahagi ng Gulf region.
Kinumpirma na ang nasawi ay isang Indian national, habang sinabi ng India’s foreign ministry na may ilang Indian citizens din na kabilang sa mga sugatan at nanawagan ng agarang de-escalation.
Bilang tugon, inutusan ng Kuwait ang dalawang Iranian diplomats na umalis ng bansa sa loob ng 24 oras at ipinatawag ang Iranian chargé d’affaires.
Ayon sa U.S. Central Command (CENTCOM), nagsagawa rin sila ng overnight strikes sa Qeshm Island bilang tugon sa umano’y planadong pag-atake ng Iran sa Middle East.
Sinabi rin nilang na-intercept ang ilang Iranian drones at missiles sa Kuwait, Bahrain, at mga civilian maritime routes.
Giit naman ng Iran, gumanti lamang sila sa pamamagitan ng missile at drone strikes laban sa U.S. bases at helicopter operations sa isang hindi pinangalanang bansa sa rehiyon, at inakusahan ang Kuwait at Bahrain ng direktang pakikialam.











